fOLKLORES
ANG ALAMAT NG SAN JOSE DEL MONTE
Romel Rafor Jaime, RL, MLIS
Pinuno ng Sistemang Aklatan, San Sebastian College - Recoletos Manila
Mag-aaral, PhD Philippines Studies, UP Diliman
PAGLILINAW: Ang naratibong ito ay naglalahad ng namamayaning kwentong bayan/alamat ng bayan ng San Jose del Monte at hindi tumutukoy sa mismong kasaysayan ng bayan. Gayunpaman, ito ay bahagi pa rin ng mayamang lokal na kultura at pamanang folklore/folk literature ng San Jose del Monte na nararapat lamang na ibahagi sa mga susunod na henerasyon ng mga San Joseño.
Introduksiyon
Pinatutunayan ng mga alamat na may oral na tradisyon at buhay ang isang kultura kung kaya’t isa itong mahalagang bahagi ng huli. Ayon nga kay G. Laureles (1996), ang kultura ng isang bansa ay masasalamin sa kanyang sining at panitikan. Kung gayon, sa pamamagitan ng mga alamat ay masasalamin rin ang kulturang mayroon ang isang bansa sapagkat ang alamat ay isang uri ng panitikan. Sa Pilipinas, tulad rin sa ibang bansa, maraming alamat na ang nakalap at siguradong marami pa ang makakalap sa mga susunod na panahon.
Maraming iba’t ibang uri ng alamat. Karamihan sa mga ito ay nagpapaliwanag ng mga kuwento o kasaysayan ng pinagmulan ng lahi, bayan, kalikasan at iba pang pangkaraniwang bagay. Ayon kay Bb. Damiana Eugenio (2002), may limang klasipikasyon ang alamat: 1. Heroic legends. Tungkol sa mga bayaning kultural at mga nanggaling sa epiko, mga dakilang tao sa kasaysayan at iba pang taong may mga hindi maipaliwanag na kapangyarihan; 2. Religious Legends. Tungkol sa mga himala ng Panginoon at ng mga santo’t santa, mga kuwento ukol sa pagpaparusa sa mga nagkasala; 3. Legends about supernatural beings. Mga alamat o kuwentong ukol sa mga supernatural na mga nilalang tulad ng aswang, kapre, diablo, duwende, engkanto, multo, nuno sa punso, sirena, santilmo, tiyanak, tikbalang at iba pa; 4. Miscellaneous Legends. Mga kuwento tungkol sa mga kampanang nasa ilalim ng lupa, ibinaong mga kayamanan, at iba pa; at 5. Place Name Legends. Mga alamat ukol sa pinanggalingan ng mga pangalan ng mga lugar.
Ang mga place name legends ang sinasabing bumubuo sa pinakamalaking bahagi ng mga alamat na mayroon ang Pilipinas (Eugenio, 2002). Tinatalakay ng mga place name legends ang dahilan at kakumbakitan ng mga pangalan ng mga lugar ayon sa paniniwala at panitikang oral ng mga taong nakatira dito. Sa lalawigan pa lang ng Bulacan, halos lahat ng bayan ay may kani-kaniyang pagpapaliwanag ng pinagmulan ng kani-kanilang pangalan na ang iba ay maituturing ding mga alamat. Sa papel na ito ay ilalahad ang namamayaning alamat na nagpapaliwanag ng pinagmulan ng pangalan ng isa sa mga lumang bayan ng Bulacan, ang San Jose del Monte.
Ang Pinagmulan ng Pangalang SAN JOSE DEL MONTE
Ang San Jose del Monte rin ang maituturing na kauna-unahang lungsod ng lalawigan ng Bulacan nang maging lungsod ito noong 2000, una pa sa mga lungsod ng Malolos at Meycauayan. Ang pangalan ng lungsod ay isinunod sa patron ng bayan, si San Jose Ang Manggagawa. Idinugtong ang “del Monte” na siyang naglalarawan ng topograpiya ng lugar: kabundukan.
Ang panahon kung kailan naitatag ang bayan ay panahon din kung kailan lubusan nang napasailalaim ng mga Kastila ang Pilipinas at lubusan na ring naipakalat ang Kristiyanismo. Ayon kay Veneracion (1986), nakasabay ang San Jose sa trend noon ng pagpapangalan ng mga bayan sa Bulacan sa mga santo’t santa. Ilang mga halimbawang ibinigay niyang tumutugon sa trend na ito ay ang mga bayan ng Sta. Maria, San Isidro, Sta. Ysabel (sakop na ngayon ng Malolos), San Rafael, San Ildefonso at San Miguel.
Bagaman may lehitimong paliwanag kung saan nanggaling ang pangalan ng San Jose del Monte, may namamayaning kuwentong bayang nagpapaliwanag kung bakit ipinangalan ang bayan kay San Jose. Ito ay ang sumusunod na kuwento:
Noong panahon ng mga Kastila, ang tinatawag na San Jose del Monte sa ngayon ay isa lamang malawak na kagubatan. Ang lugar ay ginagawang kuhanan ng mga malalaking batong ginagamit sa paggawa ng mga simbahan sa Maynila at sa iba pang lugar. Marami rin nangunguha ng troso sa lugar dahil maraming magagandang uri ng punongkahoy ang dito’y matatagpuan. Pinangangasuhan din ito ng mga taga Meycauayan dahil marami ritong baboy-ramo, usa, at labuyo (wild chicken).
Isang araw, may isang magto-troso1 ang umakyat sa bundok. Nag-iisa lamangsiya at walang katulong kung kaya’t hindi siya nagtangkang pumutol ng mga malalaking puno. Humanap siya ng mas maliliit na puno na kakayanin niyang mag-isang putulin. Habang naghahanap siya ay pasukal ng pasukal na ang dinadaanan niyang lugar. Malapit nang magdilim nang mapansin niyang naliligaw na siya at hindi mahanap ang daan pauwi, idagdag pa rito ang hindi niya pagkakatagpo ng punong kaya niyang putulin mag-isa lamang. Dahil mag-gagabi na at naaalala niya ang mga kuwento ukol sa mga lamang-lupa na pinagkakatuwaan ang mga pumapasok sa gubat, nagdasal siya ng nagdasal hanggang makakita siya ng isang maliwanag na bagay sa kanyang daraanan. Nilapitan niya ang nagliliwanag na bagay at nakita niyang ito ay isang rebulto ng santo! Kinuha niya ang rebulto at pagkakuha niya dito ay parang himala na bigla niyang nalaman ang daan pauwi.
Pagdating sa kabayanan ng Meycauayan ay agad-agad ipinakita ng magtotroso ang rebulto sa kura paroko at doon niya napag-alaman na ito ay rebulto ni San Jose ang Manggagawa. Nagpasama ang kura sa magtotroso sa lugar na kinatagpuan ng rebulto at nilagyan nila ang lugar ng pananda. Tinawag nila ang lugar na “San Jose del Monte” o “Si San Jose ng Kabundukan”. Mula noon, marami nang tao ang pumunta sa lugar at doon na namalagi sapagkat ayon sa kanila ay pinagpala ang lugar na kinatagpuan ng rebulto. Dahil sa pagdami ng tao roon, dumating rin ang panahon kung kailan ginawa nang visita ng Meycauayan ang San Jose del Monte at noong 1752 nga ay tuluyan nang naging nagsasariling bayan.
Maging ang Historical Data Papers na sinulat noong 1952 ay may kahalintulad na kuwento base sa salaysay ni Crispulo Principe, isang matandang mamamayan ng San Jose na binawian ng buhay noong 1953, kung saan mga mangangasong taga-Meycauayan naman ang nakatagpo ng estatwa ni San Jose sa lugar. Ipinag-bigay alam nila ito sa Kura ng Meycauayan na siya namang diumano’y nagpatayo ng simbahang bato sa lugar.
Ang pagkakaroon ng “del Monte” sa pangalang “San Jose del Monte” ang nagpa-iba dito sa 11 iba pang mga bayang may pangalang San Jose sa buong Pilipinas na kinabibilangan ng mga sumusunod: San Jose, Tarlac; San Jose, Occidental Mindoro; San Jose, Nueva Ecija; San Jose, Batangas; San Jose, Camarines Sur; San Jose, Dinagat Islands; San Jose, Negros Oriental; San Jose,
Northern Samar; San Jose, Romblon; San Jose de Buenavista, Antique; at San Jose de Buan, Samar.
Mga Batis:
Batislaong, Belen G., and Corazon P. Aceron. “Kalipunan ng Mahahalagang Tala ng San Jose del Monte West.” Hindi nailimbag na materyal, 1991.
Demetrio, Francisco R. Myths and Symbols: Philippines. Manila: National Bookstore, Inc., 1978.
Eugenio, Damiana. Philippine Folklore: Legends. Quezon City: University of the Philippines Press, 2002.
Jaime, Romel R. “Isang Panimulang Pananaliksik sa mga Alamat ng Pangalan ng mga Barangay sa Lungsod ng San Jose Del Monte ng Lalawigan ng Bulacan.” Hindi nailimbag na materyal, 2007.
Laureles, Godofredo S. Lalawigang Quezon: Kislap ng Silangang Luzon, Mga Kasaysayan at Alamat, 1996.
“San Jose del Monte.” Historical Data Papers, National Library of the Philippines.
Veneracion, Jaime B. Kasaysayan ng Bulacan. Kolonya, Alemanya: Bahay Saliksikan ng Kasaysayan, 1986.
ALAMAT NG KAYPIAN
Rodolfo L. Zamora
Jorge P. Evangelista
Ang Barangay Kaypian ayon sa salaysay ng mga naunang nanirahan dito ay nag mula sa isang babae na ang pangalan ay OLIMPIA. Dito unang nanirahan ang babae at nakilala sa tawag na PIA. Madalas, diumano, na ang mga magsasaka at mangangaso buhat sa kapatagan ng Sta. Maria at Meycauayan, bago umakyat ng bundok, magdalatan at magtanim sa mga kaingin, ay sa lugar na ito ni Pia nagkikita-kita, namamahinga at naghihintayan. Madalas marinig ang katagang "Magkita o hintayin nyo kami kay Pia, na nang lumaon ay naging Kaypian.
Ayon naman sa iba, mula ito sa salitang KAY-API dahil sa lubhang nakalimutan ang Barangay na ito dahil na rin sa ito ay nasa gitnang bahagi ng mapa ng San Jose del Monte. Ito ay hindi nadaraanan ng anumang uri ng transportasyon, kung kaya ang mga biyaya ng pamahalaan ay laging sa Sto. Cristo napupunta. Dahil dito, sa tulong ng dating konsehal ng bayan na si Kgg. Asuncion Diaz Abela, noong dekada 50, at sa pagpupursige ng mga matatanda dito sa pangunguna ni Monico Lorenzo, Maximo Robes, atbp. ay naghihiwalay ang KAYPIAN sa Sto. Cristo. Noong 1958, ang Kaypian ay ganap na naging isang barangay.
Batis:
Rodolfo L. Zamora at Jorge P. Evangelista, “San Jose del Monte Sa Kandungan ng Panahon” 2013